Salita ni Jezel Chua
Guhit ni Keith Portia Andres
Walang tigil ang pagbuhos ng ulan sa loob ng unibersidad, hawak ko ang aking payong bilang pamandong at ang aking mga aklat habang nagmamadaling iniiwasan ang bungkos ng mga estudyanteng hindi ko kilala. Kakaibang emosyon ang nararamdaman ko sa tuwing umuulan. Tila ba’y napakalungkot ng langit at napakaraming tao ang patuloy na lumuluha. Sa aking pagsilong natagpuan ko ang aking sarili sa Parokya ng Santísimo Rosaryo.
Habang nagdarasal, may naramdaman akong pagtitig mula sa aking tabi. Sinuklian ko ito ng mapanuring tingin ng bigla nyang sinabing…
… “pwede bang makipagkilala?” sabay bigay ng matamis na ngiti sa kanyang labi.
Dito nagsimula ang lahat. Sa Parokya ng Santísimo Rosaryo. Madilim na kalangitan, nagngangalit na ulan, ang langit ay lumuluha at puno ng hinagpis.
Dalawang taon na ang lumipas mula nang magkakilala kami sa Parokya ng Santísimo Rosaryo. Ngayong araw, magkikita kami ng aking kasintahan sa parke kung saan kami madalas na nagtatagpo. Masaya kaming nagku-kwentuhan habang kumakain ng aming pananghalian, kahit na sa ka-tirikan ng araw ay mas pipiliin kong maging malapit sa kanyang tabi. Kinuwento nya sa akin ang mga nakatutuwang ganap ng kanyang araw, naalala ko’t natapon pa nga ang malagkit na sorbetes sa kanyang asul na damit. Lumipas ang oras na punong puno ang lugar ng ingay ng aming pagtawa. May dulo pa ba ang kasiyahan? Biglang umiyak ang kalangitan, sa aming pagmamadali ay magka-akbay kaming dalawa sa iisang payong habang tumatakbo pauwi – ako’y masaya sa iyong piling. Hindi ko malilimutan ang ngiti mo sa tuwing tayo ay unti-unting nababasa ng ulan.
Kakaibang ligaya ang dulot ng aking mahal, tila binigyan mo ng gintong liwanag ang kulay-abo kong buhay. Siya ang nagsilbi kong inspirasyon upang makapag-aral ng mas maigi at unti-unting tuparin ang aking mga pangarap. Walang araw na lumipas na hindi niya ako napaligaya. Siya ang nagsilbing araw sa panahong hindi masaya ang kalangitan.
Walang tigil ang pag-tibok ng aking puso habang iniisip ang maaaring mangyari. Habang ako’y nasa aking kama at napapaisip, nagpapawis ang aking mga palad at hindi ko ma-ipinta kung ano ang aking nararamdaman ngunit tiyak akong may bagyong darating.
Kinaumagahan na ng malaman kong magkikita kami ng aking kasintahan sa may Parokya. Napakalakas ng pagbuhos ng ulan, ramdam ko ang pagsigaw ng langit. Habang naglalakad ako papalapit sa simbahan, pabigat ng pabigat ang aking loob. Sa aking pagdating sa pintuan ng parokya, una kong nakita ay ang aking irog, nakaluhod, nagdarasal, at lumuluha. Ang mata nami’y nagtagpo, puno ng kalungkutan at pagsisisi. Hindi ko namalayan nang sinabi nya ang mga salitang hindi ko nais marinig.
“Tama na. Hindi na ako masaya.”
Saad niya at iniwan akong nag-iisa. Umuulan at puno ng pait. Hindi ko maipinta ang aking sarili. Sa dilim ng kalangitan, binalot ako ng sakit at kalungkutan.
Ang dating mga halakhak nating puno ng galak, ngayon ay wari’ng multo sa katahimikan. Ang mga lugar na madalas nating puntahan, na kung saan tayo ay nakangiti at nagmamahalan, ngayo’y alala nalang ng kahapong naririto ka sa aking piling. Ang mga pangakong hindi natupad ay nagsilbing memorya, ngunit hanggang memorya nalang pala.
Hudyat ito ng Diyos na hindi tayo para sa isa’t – isa.
Napakahirap maiwan ng walang sagot sa kung ano ang dahilan ng iyong paglisan.
Sa tuwing bumubuhos ang ulan ako ay nagdaramdam, na tila ang emosyon ko’y sumasabay sa lumbay ng kalangitan. Nalulungkot ang Diyos sa ating pagsasama. Inaamin kong ako’y nagkamali na sabihing ikaw ang araw sa aking tag-ulan, ikaw ang kabaligtaran - ika’y galit na langit sa mundo kong ginagalawan.
Nagsimula at nagtapos ang ating istorya sa Parokya ng Santísimo Rosaryo, katulad ng ulan ang pagmahahal mo ay huminto at tumila.
Sa pagsikat ng bagong araw nawa’y maari tayong magtagpo pang muli, sana tayo ay magtagpo pang muli. Ako ay umaasa na sana’y di tayo abutan ng kalungkutan sa muli nating pagkikita…
Sa aking mga mata, tumulo ang ulan.
Comments