Sa panunulat nina: Jezel Chua, Janna Ong, at Ainsley Tumbaga
Sa pagguhit ni: Jean Orme
1 INT. SILID-TULUGAN NI ELEANOR - GABI
Kakauwi lang ni Eleanor galing sa eskwelahan. Mugto ang kaniyang mga mata. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang matinding pagod. Dali-dali itong nagpalit ng pambahay na damit at nagsimula nang humiga sa kaniyang kama. Sinubukan nitong matulog ngunit tatlong oras na ang nakalipas pero ang kanyang diwa ay gising na gising pa rin.
ELEANOR
Hindi na naman ako makatulog. Gabi-gabi na lang ba akong ganito?
Kanina ko pa iniisip kung kasalanan ko ba yung nakuha ni Mia na mababang score sa quiz namin kanina. Hindi ko kasi sya naturuan noong nagtanong siya dahil abala ako sa pag-aalaga sa kapatid ko. Galit kaya sa akin si Mia? Hindi niya kasi ako pinapansin kanina.
Si Nathan, ang boyfriend ko. Galit din kaya siya sa akin dahil hindi ko siya sinundo sa kaniyang bahay kaninang umaga?
Sumikat na ang araw at hindi pa rin nakakatulog si Eleanor dahil sa mga bumabagabag sa kaniyang isipan. Nagulantang si Eleanor nang may kumatok sa kaniyang pinto. Ang nanay niya.
NANAY
Eleanor, anak, mabuti naman at gising ka na. Baka mahuli ka na naman sa pagpasok sa eskwela.
ELEANOR
Opo, ‘nay, gising na po. Mag-aayos lang po ako.
NANAY
Bakit ganiyan ang mga mata mo, anak? Mukha ka nang multo. Ano ginagawa mo? Hindi ka ba natutulog?
ELEANOR
Natutulog naman po, ‘Nay.
NANAY
Anak, may problema ba?
ELEANOR
Wala naman po, ‘Nay. Madami lang siguro akong iniisip.
NANAY
O siya, sige, mag-ayos ka na at baka mahuli ka na naman sa iyong eskwela.
2 INT. PAARALAN NI ELEANOR. TANGHALI
Nasa silid-kainan si Eleanor kasama ang kaniyang mga kaibigan na sina Mia at Jake. Sabay-sabay silang kumakain ng kanilang paboritong turon.
MIA
Eleanor, pasensya ka na kahapon kung hindi kita pinansin.
ELEANOR
Ayos lang yun, Mia.
MIA
Salamat, Eleanor. Pero pwede mo ba akong tulungan sa assignment natin sa Math? Hindi ko kasi maintindihan ‘yung tinuro kanina e.
ELEANOR
Oo naman, kailan mo ba gusto?
MIA
Mamayang gabi sana, kung ayos lang.
ELEANOR
Sige, pwede naman.
ELEANOR
Lagi ko nang kasama sina Jake at Mia mula sa pagkabata. Mahal na mahal ko sila dahil sila lang ang aking mga kaibigan. Pero minsan napapaisip lang rin ako, mahal din kaya nila ako? Bakit parang hindi ko maramdaman ang presensya nila kapag ako naman ang nagka-problema?
JAKE
Eleanor! Pwede mo ba akong samahan bumili ng bulaklak para kay Clara?
ELEANOR
Sige, kailan ba?
JAKE
Mamaya na sana. At kung ayos lang, ikaw na rin magbigay kay Clara.
ELEANOR
Hala siya! Bakit naman ako?
JAKE
Nahihiya ako, eh.
MIA
Hay nako, Jake! Nauna akong magpasama kay Eleanor e!
JAKE
Pangalawa naman ako na nagsabi, ah? Pwede namang samahan niya muna akong bumili ng bulaklak at pagkatapos no’n ay ‘saka na kayo mag-aral.
MIA
Ah basta! Ako ang nauna!
ELEANOR
Hay, wag na kayong magtalo. Para patas, pareho ko na lang kayong sasamahan.
3 EXT. PARKE. GABI.
Halos tumakbo si Eleanor papunta sa parke para tagpuin si Nathan, ang kaniyang boyfriend. Na-late na naman si Eleanor sa kanilang oras ng tagpuan dahil abala siya sa pag-aasikaso ng kaniyang mga kaibigan. Nang makarating si Eleanor sa kanilang tagpuan, kitang-kita sa mukha ni Nathan ang labis na pagka-inis.
ELEANOR
Kinakabahan ako. Sana huwag magalit si Nathan. Natagalan kasi ako sa pagtulong kay Mia sa assignment niya eh.
NATHAN
Bakit late ka na naman? Saan ka ba nanggaling? Nanlalaki ka ba?!
Galit na naman nga.
ELEANOR
Hindi. Sorry, Nathan. Tinulungan ko pa kasi si Mia na tapusin ‘yung assignment niya.
NATHAN
Bakit mo pa kasi siya tinutulungan? Alam mo namang magkikita tayo ngayon e!
ELEANOR
Hindi ko naman alam na matatagalan kami. Pwede bang palampasin muna natin ito? Andito naman na ako ngayon oh.
4. INT. KAINAN. GABI
Nagkaroon ng matinding sagutan ang magkasintahan sa loob ng restawran dahil sa hindi pagkakaunawaan.
NATHAN
Mahal, anong gusto mong kainin?
ELEANOR
Ah, ’yung burger at fries na lang.
NATHAN
Bakit yun? Alam mong tumataba ka na. Tigilan mo na ‘yang kakakain mo ng mga burger at fries na ‘yan!
ELEANOR
Ikaw rin pala ang magdedesisyon, eh ‘di sana hindi ka na nagtanong.
Biglaang hinatak ni Nathan ang buhok ni Eleanor at kitang-kita sa mukha ni Eleanor na nasasaktan ito dahil sa higpit ng pagkakahawak sa kaniyang buhok.
NATHAN
At kailan ka pa natutong sumagot sa’kin, ha?! Binabastos mo ba ako?!
ELEANOR
Oo, diba nagtatanong ka?
Napatingin ang mga tao sa gawi nila Eleanor at Nathan dahil sa eksena ng magkasintahan. Dahil sa labis na inis, nasampal ni Nathan si Eleanor nang pagkalakas-lakas. Sa isang pitik ng daliri, tumuloy-tuloy na ang agos ng luha sa mata ni Eleanor buhat na rin sa labis na galit at lungkot.
NATHAN
Namumuro ka na ah! Punong-puno na ako sayo! Kung ganiyan ka lang rin, mabuti nang maghiwalay na lang tayo!
ELEANOR
Dapat lang! Maghiwalay na dapat tayo.
Tumakbo si Eleanor palabas ng kainan habang mugto ang kaniyang mga mata kakaiyak.
ELEANOR
Ngayon lang ako nakaramdam ng labis na pagkapagod. Akala ko noon, magiging mabuti si Nathan sa akin dahil mahal na mahal niya ako. Pero bakit parang sumosobra na ang pananakit? Pati mga kaibigan ko, bakit parang ginagamit na lang nila ako? Nakakapagod pala maging mabait sa lahat ng tao.
5. INT. SILID-ARALAN. HAPON.
Natapos na ang huling klase ni Eleanor para sa araw na iyon kaya naghahanda na siya umalis. Ngunit nang paalis na sana si Eleanor sa klase ay tinawag siya bigla ng kaniyang guro, si Gng. Lopez, upang kausapin.
GNG. LOPEZ
Eleanor, ano nang nangyayari sayo? Sunod-sunod na ang quizzes mo na mabababa ang mga scores. May problema ba?
ELEANOR
Hindi na po mauulit, Ma’am. Pasensya na po.
ELEANOR
Wala akong nagawa kundi ang humingi ng tawad. Mali naman kasi talaga ang nangyari. Kasalanan ko naman rin. Kasalanan ko kung bakit ako bumagsak bigla. Matapos ang hiwalayan namin ni Nathan, isang linggo rin akong nakalugmok sa aking kama at walang kakayahang gumawa ng kahit anong bagay. Para bang isa akong buhay na bangkay na lang.
GNG. LOPEZ
Hija, sa susunod na quiz, kailangang makakuha ka ng mataas na marka para mabawi mo ang ibang quizzes mo. Mas mainam kung ma-perfect mo pa.
ELEANOR
Opo, ma’am. Mag-aaral na po akong mabuti.
GNG. LOPEZ
Sige na, hija, pwede ka na umalis. Gusto ko lang ipaalala sayo na may scholarship kang kailangang alalayan.
Matapos ang usapan ni Eleanor at ang kaniyang guro, nagpaalam na siya sa kaniyang guro at dali-daling tumakbo para habulin ang isa pa niyang guro.
ELEANOR
Sana maabutan ko pa si sir. Sana hindi pa siya nakakauwi. Sana tanggapin pa rin niya itong mga plate ko. Maipasa ko lang ito sa kaniya, ayos na ako.
Nang malapit na si Eleanor sa faculty kung saan mahahanap niya ang kaniyang guro, natagpuan niya ito kaagad na kalalabas lang ng silid. Tinawag ni Eleanor ang guro mula sa malayo at agad itong lumingon kay Eleanor.
ELEANOR
Sir! Sir Ramos!
G. RAMOS
Oh, Eleanor. Dumidilim na, ha? Ano pang ginagawa mo rito?
Nanginginig at kinakabahan na inabot ni Eleanor sa kaniyang guro ang kaniyang dalawang plates.
ELEANOR
Good evening po, Sir. Ah.. Eh. M-magpapasa po sana ako ng plates.
G. RAMOS
Hindi ba nabanggit ko sa orientation natin na hangga't maaari ayoko ng late submissions?
ELEANOR
Opo, sir. Pasensya na po. Baka po pwede niyo po akong pagbigyan. Ngayon lang po talaga ito, Sir. Hindi na po ito mauulit.
G. RAMOS
Oh, sige sige. Ito na ang magiging una at huling beses, hija. Tatanggapin ko lang 'yan ngayon dahil alam kong hindi ka talaga gano'n. May deductions din sa final score mo dahil late ka.
ELEANOR
Naiintindihan ko po, Sir. Salamat po! Salamat po talaga!
6 INT. KWARTO NI ELEANOR. MADALING ARAW
ELEANOR
Anong oras na ba? Inaantok na ako pero hindi pa ako pwede matulog.
Pagod na ako. Pagod na pagod na. Pero bawal pang magpahinga.
Tumayo na muna si Eleanor sa kaniyang inuupuan at kinuha niya ang kaniyang selpon sa bag para tignan ang oras.
ELEANOR
Hala ka! Alas-tres ng umaga na pala?! ‘Di ko na naman namalayan. Badtrip!
ELEANOR
Ilang linggo na akong kulang o walang tulog. Ilang araw ko na ring nasaksihan ang pagsikat ng araw sa aking bintana. Matutulog na parang isang segundong pikit lang. Problema rito, problema roon. Kailan ba kayo huhupa?
ELEANOR
Tama na, Eleanor. Tama na. Wala kang oras para mag-isip ng mga ganiyan.
Bumalik na siya sa kaniyang upuan at sinubukang mag-aral muli. Hawak-hawak niya ang kaniyang panulat sa kaniyang kanang kamay nang biglang kumirot ang kaniyang ulo at mga mata. Sa sobrang sakit, napahawak siya sa gilid ng kaniyang ulo at pumikit muna.
ELEANOR
Utang na loob, Eleanor! ‘Wag ka munang bumigay. May quiz at plate ka pa. Maraming taong umaasa sayo kaya ‘wag ngayon.
Nang humupa ng kaunti ang kaniyang iniindang sakit, naalala naman niya ang mga sinabi ng kaniyang guro.
ELEANOR
Mga designs ko! Hindi na raw katulad ng dati. Halatang may kulang na sa mga gawa ko. Ang pagkakulay nila ay maputla at matamlay. Pilit na pilit ang agos.
ELEANOR
‘Yung quizzes, nag-aral naman ako para doon, ‘di ba? Bakit ang baba pa rin?
Naglabas ng isang malalim na buntong hininga si Eleanor dahil sa pagkabigo sa sarili.
ELEANOR
Kulang na kulang ba ang aking ibinigay sa iba? Bakit parang hindi pa sapat ang aking pag-aaral kaya nakakuha ako ng mababang marka? Baka naman talaga ‘di ko deserve ‘to, in the first place. Ginagawa ko naman ang lahat, ‘di ba?
Lintek, hindi pala. Inuna ko kasi ang sarili ko kamakailan. Hindi nga pala dapat ganoon. ‘Yung inaksaya kong oras sa pagmukmok ay dapat tinuon ko na lang sa pagaaral at paggawa ng plates. Masiyado kong inisip na may nawawalang parte sa sarili ko. Kahit totoo naman. Dapat nga pala iba muna bago ako.
Kasalanan ko palang inuna ko ang sarili. Ang damot ko naman.
7 INT. OSPITAL. UMAGA.
NANAY
Ang anak ko! Pagalingin niyo po yung anak ko, dok. Parang-awa niyo na po.
ELEANOR
Sirena. Mga tao. Hikbi. Naramdaman ko ang init mula sa matinding paghagkan sa aking katawan.
NANAY
Anak, nandito lang ako, ha? Nandito lang ako kaya magpagaling ka lang diyan. Miss ko na ‘yung ngiti mong parang araw sa liwanag na dala sa’kin. Patawarin mo ang Nanay dahil wala ako sa tabi mo noong kailangan mo ako. Wag kang mag-aala—
ELEANOR
Nagising ako dahil sa sinag ng araw na tumapat sa aking mukha. Puting-puti sa liwanag. May tunog ng makina. Pinakiramdaman ko ang aking sarili, masakit at mabigat parin ang aking ulo.
ELEANOR
Nanay? J-Jake? Mia? N-Nathan?
Saktong may kumatok sa pinto at pumasok na doktor at nurse.
NANAY
Anak ko! Gising na ang anak ko! Ang tagal mo namang gumising, anak ko.
Hindi napigilang maiyak ang nanay ni Eleanor sa harap nito. Sinuklian naman ni Eleanor ng isang yakap upang maiparamdam nito na mas maayos na siya.
NANAY
Nagkaroon ka raw ng fatigue, ‘nak. Siguro'y dala ng stress sa pag-aaral. Dok, maaari po bang kausapin ko muna ng masinsinan ang aking anak?"
Biglang nagsalita ang kaniyang nanay. Tumitig si Eleanor sa doktor ngunit agad ring binawi nito ang tingin mula sa doktor.
ELEANOR
Sasabihan na naman ako ng mga bagay na kunyari alam nila. Sino ba sila at kung makapayo ay parang kilalang-kilala nila ang pinagdadaanan ko.
Narinig sa buong silid ang unti-unting pagsara ng pinto ng lumabas ang nars at doktor.
NANAY
Alam kong ayaw mong marinig sa akin ito, pero kailangan mo itong marinig. Nailabas mo na ba lahat? Mas maayos ka na ba ngayon kaysa sa kahapon?
Napalingon si Eleanor sa kaniyang nanay na tila’y kumalma mula sa pag-hagulgol nito kanina at blangko itong tumugon.
ELEANOR
Walang dapat ikumpara dahil ang ngayon at kahapon ay walang pinagbago.
ELEANOR
Alam kong mali na ipahamak ko yung sarili ko, pero tao lang rin ako. Napapagod. Pero bakit ang galing niyong magtago ng lungkot at sakit? Kasalanan ko bang para akong tubig na madaling umapaw?
Kailangan nga ako ng karamihan pero hindi niyo ba naiisip na darating rin yung oras na mauubos rin ako? Na kailangan ko rin nang makakapitan?
ELEANOR
Hindi ko mapigilan magsalita dala ng bigat sa aking dibdib. Alam kong sa maling tao ko pinapahitawag yung nararamdaman ko. Pero ito yung unang pagkakataon na binigyan ako ng tiyansa na magsalita kesa sa makinig lamang.
NANAY
Anak, tignan mo ako. Nasaan ba ako? Nasa harap mo ako, handang tumulong at sumuporta sayo. Simula nang ipinanganak kita, ako na yung kasama mo dito sa mundo at hinding-hindi iyon magbabago.
Nagkatitigan ang mag-ina at unti-unting pinagsaklob ng nanay ni Eleanor ang kanilang mga kamay.
NANAY
Ang mga taong dumating at darating sa buhay mo, alam kong mas nakakasama mo sila. Maaari ring mas pinapahalagahan mo sila kaysa sa akin. Ayos lang ‘yon, anak. Pero, ano nga ba ang saysay ng buhay kung patuloy kang naghahangad ng atensyon at pagmamahal sa mga taong hindi naman nakikita ang halaga mo?
ELEANOR
Nay, si Nathan.. Wala naman akong ibang ginawa kundi ang mahalin siya, ‘di ba? Pero bakit nauna siyang sumuko sa ‘amin’? Si Mia at Jake, nandiyan ako lagi para sa kanila pero kapag ako na ang nasa katayuan nila, para akong hanging hindi nila makita-kita. Nakakapagod ba ako?
Hindi ko mapigilan ang pwersa ng mga hikbi mula sa aking dibdib. Para akong bumalik sa pagkabata dahil sa pag-iyak.
NANAY
Nandito ako Eleanor, oh. Lagi’t lagi akong handang pakinggan, anak. Pati ang harapin at mahalin ka, kahit minsan hindi kita maintindihan. Sa tuwing uuwi ka sa bahay na malungkot, palagi akong nakaabang sa sala para hainan ka ng paborito mong meryenda at iniisip kung anong nasa isip mo.
ELEANOR
Hindi mo naman ako maiintindihan, e. Sasabihin mo lang wala naman ‘yan sa pinagdaraanan niyo.
NANAY
Hindi ko man agarang mapapawi ‘yang lungkot at sakit sa dibdib mo, pero handa akong makinig, anak. Kahit ‘yun lang, hayaang mo iparamdam ko sa’yo iyon. Alam kong nararamdaman mong parating puro ka bigay. Pero ngayong alam mong ubos ka na, handa akong maghandog ng parte ng sarili ko para sayo, anak.
Hagulgol ni Eleanor ang umalingawngaw sa buong silid. Kahit sa isang saglit, naramdaman niyang may kakampi siya sa laban ng buhay. Ang bawat haplos ng pagmamahal ng kaniyang nanay ang nagwawalis sa mga mumunting bubog mula sa puso niyang may lamat.
8 INT. OSPITAL. HAPON
Kinabukasan, mugto pa rin ang mga mata ni Eleanor. Binalitaan siya na dadalaw raw sa ospital ang kaniyang ex-boyfriend at mga kaibigan.
NANAY
Anak, tinext nga pala ako kanina nina Nathan. Dadalaw raw sila ngayong araw.
ELEANOR
Ha?! Pumayag ka, ‘Nay? Hindi pa ako handang makipag-usap. Pwede bang next week na lang kamo? A-ayok-”
NANAY
Ilang araw na silang nangungulit sa akin na dalawin ka. Pagbigyan mo na at bukas ay uuwi na tayo sa bahay. Magandang mag-usap muna kayo bago ka tuluyang magpahinga sa bahay ng maayos, anak. Mas maganda ang pahinga kapag payapa ang diwa."
ELEANOR
Sige, Eleanor. Usap lang, ha? Hindi mo pa kayang makipag-ayos. Natatakot ka pa, ‘di ba?
Hinawakan ng nanay ni Eleanor ang nanginginig na mga kamay ni Eleanor, na tila ba’y alam ang nasa isip ng anak.
NANAY
Basta nandito lang ako anak, ha? Alam mo naman yung napag-usapan natin kahapon. Kung paano mo binuhos sa akin ‘yang damdamin mo ay ganoon ka rin sanang maging bukas sa kanila. Hindi kita minamadali sa desisyon, anak. Pero paalala ko lang. Unahin mo ngayon ang sarili mo, anak.
Katok mula sa pinto ang sumira sa malalim na usapan ng mag-ina. Pumasok ang ex-boyfriend at mga kaibigan ni Eleanor mula sa pinto.
NANAY
Nathan, Mia, Jake! Nag-abala pa kayo, mga ‘nak, at karami ninyong mga dalang prutas.
Nagmano ang mga bisita ni Eleanor sa kaniyang nanay. Hindi mapalagay ang mga ito sapagkat labis-labis ang kanilang pagsisisi sa sarili dahil sa naging sitwasyon ni Eleanor.
Nagpaalam at umalis na ang nanay ni Eleanor nang lumapit ang tatlo sa higaan ni Eleanor. Nakakabinging katahimikan, nang biglang basagin ito ni Mia.
MIA
Ilang araw ka nang hindi pumapasok, Eleanor, kaya tinawagan ko na si Tita. Nag-alala ang mga kaklase natin ‘saka mga guro natin.
JAKE
Nagustuhan rin pala ni Clara ‘yung mga napili mong bulaklak, Eleanor. Gusto niyang magpasalamat sayo ngayon kaso may pasok pa siya kaya ako na lang yung gumawa para sa kaniya.
Alanganing mga sambit nila Mia at Jake sabay ngiti kay Eleanor. Nagulantang ang mga ito nang suklian ni Eleanor ang kanilang mga sinabi ng isang malamig na titig sa kawalan. Ibang-iba sa masiyahing Eleanor na kanilang nakasanayan.
NATHAN
Eleanor, kumusta ka na? Magaling ka na ba? Pasensya ka na at nasaktan kita noong nagkita tayo. Alam kong wala nang tayo pero gusto ko pa ring humingi ng tawad sa pagtr-
ELEANOR
Nandito ba kayo para sa akin? O nandito kayo para maisalba ang mga sarili ninyo?
Naiinis ako. Alam ko namang nag-aalala sila pero bakit parang iba ang dating ng mga sinasabi nila sa akin ngayon. Ganito ba ‘pag sanay na mataksilan?
MIA
Eleanor, anong sinasabi mo? Siyempre nandito kami para sayo.
Nag-unahang nagsalita si Mia at Jake ngunit tahimik lang na umiwas ng tingin si Nathan mula kay Eleanor at umatras.
ELEANOR
(confronting them in her imagination)
Sus, nahiya pa kayo. Parang mga others naman. Ang sabihin niyo, ginagawa niyo lang ito para malinis niyo na ang mga konsensiya niyo. Oo! Eh kung patawarin ko kayo ngayon, may magbabago ba sa atin? Sa akin? Ganon pa rin ‘di ba? Kayo, malaya kayong magsaya sa buhay pagkatapos nito, pero ako? Patuloy ko pa ring makukwestiyon ang sarili ko kung saan ba ako nagkulang talaga. Yung sobra-sobra kong pagmamahal ba ang kulang?
Gusto ko lang ilabas lahat ng naipon kong sama ng loob. Dahil paano ako makakatanggap ng panibagong pagmamahal mula sa ibang tao kung punong-puno ako ng sama ng loob? Paano ko mapapatawad ang sarili ko kung hindi ko pa rin matanggap ang naging situwasyon?
Hanggang ngayon ay sa kisame lang nakatitig si Eleanor. Walang reaksyon. Walang emosyong bumubugso. Hanggang isip lang ang abilidad ng kaniyang pag-kumpronta. Natatakot na tignan ang mga reaksyon nila, dahil agaran itong nakokonsensya.
ELEANOR
Pero para sa’yo ‘to, Eleanor. Ito na’ng oras para masampal sila ng katotohanan. Kailangan mo silang harapin para makausad ka ulit.
Biglang hinawakan ni Eleanor ang mga kamay ni Mia at Jake at tumugon.
ELEANOR
Okay lang ako, guys. Huwag na kayong mag-alala sa akin. Magiging ayos rin ako. Pwede na kayong umalis at baka nakaabala pa ako sa mga plano niyo. Salamat sa pagbisita.
Tumayo si Eleanor at naglakad siya papunta sa bintana sa kaniyang silid. Hirap na hirap siya sa dextrose na nakatusok sa kamay niya. Natatabunan ang kaniyang mukha mula sa dahan-dahang pagsayaw ng mga kurtina dahil sa hangin.
9 INT. BINTANA SA SILID NG OSPITAL. DAPIT-HAPON.
ELEANOR
Napagtanto kong masaya ako kapag masaya ang mga tao sa paligid ko. Pero alam kong may kulang pa rin.
Isang buntong-hiningang ngiti ang tanging naipinta ng mga labi ni Eleanor habang nagdidili-dili. Habang tanaw ang langit mula sa bintana, ramdam ang panginginig ng aking mga kamay at ang pagbilis ng pintig ng puso.
ELEANOR
Sinabi kong ayos lang ako, kahit alam kong ramdam rin nila ang totoong nilalaman ng aking puso. Pero ayos na ‘yun. Ang sarili ko ang importante mula ngayon. Sapat na sa akin ang tahimik na paglakad palayo sa kanila - mula sa pagkalunod sa kumunoy na kanilang nabuo.
Nakalimutan kong unahin ang sarili ko at magsaya sa buhay. Nakalimutan kong pagtagpiin ang mga galos sa kalooban, at purihin ang sarili sa mga maliliit na tagumpay sa kabila ng mga pagsubok na muntik at tuluyan kong nasukuan.
Pero salamat pa rin sa inyo, dahil hindi ko mauunawaan ang mga ito kung hindi dahil sa mga ginawa niyo. Kahit ang sakit ay pang-habambuhay, pipilitin kong isipin na aral ito para sa aking paglalakbay.
Maghihintay ako sa bagong [mapanakit] na bukas.
Comments