Written by: fiddy
photo courtesy of emmerson morata & jhoana fidel
sayo ako natuto
magsahog ng mga salita
ng mga ideya at kwento
sayo ko nalaman
na pupwede palang igisa ang mga titik,
imahinasyon, at realidad
na ang isang akda
ay isang putahe
na sinangkapan ng iba't-ibang karanasan
pagsisisi, tagumpay, pagninilay-nilay,
at pinakamahalaga—pagmamahal
na ang isang manunulat
ay isa ring kusinera
tumatakbo ang isip sa maraming paraan
naghihiwa, nagpapakulo, at nagtitimpla
para makapaghain ng mainit sa kaluluwa
sayo ako natuto
na pupwede palang paghaluin
ang pagsisisi, ang luha, at ang pagkabigo
ang baboy, ang tubig, at ang kangkong
sa iisang lutuin
sayo ako natuto
na magluto ng sinigang na baboy
mananatili kang buhay sa aming mga akda, sir peter
Comments