Sulat ni Elyssa Vernadette Marcadejas
Dibuho ni Jolina Danielle Bautista
“Tara, gawa tayo ng saranggola!” sabi ni Elmo sa’kin. Kaibigan ko na si Elmo noon pang kalilipat namin sa lugar na ito. Naaalala ko non ay tuwang tuwa ako dahil napadaan lamang kami sa park non, ngunit nung makita ako ni Elmo ay inaya na niya ako maglaro kahit unang beses niya pa lamang ako nakita. Simula noon, ay araw-araw na kami nagkikita sa park upang maglaro. Iba-iba lagi ang nilalaro namin, pogs, habulan taya, tumbang preso, at iba pa. Tinuringan naming bestfriend ang isa’t isa, na ipinakikita ng pareho naming bracelet na lagi naming suot.
“Heto may dala akong mga materyales. Masaya ‘to, tara!” Dagdag hikayat niya sa’kin. Wala naman nang punto kung tatanggi ako, kaya’t umoo nalang ako.
Matapos namin gumawa ay dali-dali namin itong ginamit. Malawak naman ang park para sa pagpapalipad ng saranggola, kaya’t tuwang-tuwa kaming naghahabulan at nagpapataasan ng lipad ng saranggola.
Isang araw habang nagpapalipad kami ay biglang hinangin ang aking saranggola. Pareho naming hinabol to, ngunit sa sobrang bilis ng pagtangay ng hangin ay di ko na napansin ang dinadaanan ko, at nadapa ako. Sobrang sakit ng paa ko non kaya di na ko makatayo muli.
“Huwag ka magalala, ako na kukuha ng saranggola mo! Maupo ka muna diyan, bestfriend!” Sabi ni Elmo. Hindi naman na ako nakatanggi dahil tuluyan na niyang hinabol ang saranggola ko sa loob ng kagubatan.
Nang makita kong malapit na mag takipsilim ay dun na ako kinabahan. Mag iisang oras na pero di pa rin bumabalik si Elmo. Pinilit kong tumayo para sabihan ang magulang niya kung san siya nagtungo, nang may tumapik sa aking balikat. Dali dali akong lumingon at natuwa nang nakita ko siyang nakatayo sa harapan ko. Bagamat di niya natagpuan ang saranggola ko dahil wala siyang hawak, ay niyakap ko parin siya nang mahigpit. “Pinakaba mo naman ako, antagal mong nawala!” Sabi ko sakanya habang ako’y nakayakap.
“Di ko nakuha yung saranggola mo” sabi niya sakin nang nakayuko. “Heto, iyo nalang ang saranggola ko.”
Nagtataka akong kinuha ang inaabot niyang saranggola, ngunit bago pa ako makareklamo ay nagsimula na siyang maglakad patungo sa mga magulang niya, at tila nag aaya nang umuwi.
Sabi ko sa sarili ko ay gagawan ko nalang siya ng bagong saranggola at ibibigay ko sa susunod na linggo. Ngunit, dumating na ang kinabukasan, at walang naging senyales ni Elmo. Baka lamang ay may mahalagang ganap sila, kaya naisip kong itago na lamang ang ginawa kong saranggola para sa kanya.
Dumating na naman ang kinabukasan, ngunit wala paring senyales ni Elmo. Maganda naman ang panahon kaya’t naisipan kong subukan ang saranggola na bigay ni Elmo. Nang nagpapalipad na ako ay biglang lumakas ang ihip ng hangin, na tila ay pilit akong kinakaladkad patungo sa kagubatan. Napansin kong parehong lugar ito kung saan nagtungo si Elmo.
Hindi ko na kinaya at tuluyan itong nilipad. Hindi ako papayag na mawala iyon, dahil pinaghirapan niyang gawin yung saranggolang iyon. Kaya’t dali dali akong tumungo sa kagubatan. Pinilit kong hanapin ang saranggola, tiningnan ko ang lahat ng sulok na maaaring sabitan ng saranggola. Sa paghahanap ko ay may iba akong napansin. Naroon sa damuhan, hindi ang saranggola, ngunit ang bracelet ng pagkakaibigan namin ni Elmo.
Sa sandaling iyon ay nagtaka ako, dahil gumawa kami ng kasunduang hindi iyon tatanggalin habang kami’y mag bestfriend. Bigla kong naalala ang sandaling tinapik niya ang aking balikat. Sa aking paglingon ay nahapyaw kong wala nga siyang suot na bracelet. Sa aking pagyakap ay naaalala kong hindi niya ko niyakap pabalik. Ang huling pagtingin niya sakin, at pagkita ko sa kanyang mga mata ay noong sinabihan niya akong “Maupo ka muna diyan, bestfriend!”
Nakakabahala, nakakakaba na hindi ko ito agad napansin. Dali dali kong kinuha ang bracelet, at binalak na tumakbo pabalik sa park. Ngunit, sa unang pagyapak ko ay biglang nanghina ang aking mga tuhod. Napataob ako sa damuhan, at di ko na makontrol ang aking katawan. Sa huling sandaling bago mawala ang akin paningin ay dun ko natanaw ang aking saranggola, na hawak ni Elmo habang siya’y nakahilata.
Comentarios