Salita ni Vibiana Lopez
Guhit ni Jemmaica Framancilla
Halos tanghali na nang magising ako sa umaalingawngaw na tunog ng aking ringtone. Papungas-pungas ako nang kinuha ko ang kumakatal-katal kong telepono sa lamesa at sinagot ang tawag, nang walang pagnanais malaman kung sino man ito.
“UY!” pagbungad sakin ng lalaking nasa kabilang dulo ng linya.
Nagtaka ako nang mapagtanto ko kung sino ito sapagka’t bihira lang ang may tumawag saaking kaibigan, at higit na nakakagulat na ang kaibigang ito ay hindi ko na nakaka-usap nang ilang buwan.
“Thomas? Ikaw ba ‘yan? Ba’t ka napatawag? May nangyari ba sayo?” sunod-sunod kong tanong.
“Hoy! Nakaka-asar ka bakit di ka nagpaparamdam, namimiss na kita! Actually, napanaginipan nga kita kagabi tas medyo kinabahan ako lalo na ang tagal na natin di nag-uusap tas wala na kong alam sayo. Sorry nga pala doon ah.” dire-diretsong sabi ni Thomas bago siya tumigil sandali at bumuntong-hininga, “Medyo nahihirapan kasi ako sa lahat ng nangyayare ngayon kaya di na rin ako masyado gumagamit ng social media eh. Pero ano kamusta ka na ba? Okay ka lang ba? Kamusta sila Tita?”
Napatigil ako nang maproseso ko ang lahat ng kaniyang sinabi. Kung nagtataka man kayo, si Thomas ay isa sa pinakamatalik kong kaibigan. Nakilala ko siya noong unang baitang pa lamang kami kaya isa talaga siya sa pinaka mahalagang tao sa buhay ko, ngunit gaya nga ng sinabi ko, matagal na rin mula noong huli kaming nakapag-usap. Bagama’t nalungkot ako sa mga panahong hindi kami nag-uusap, naintindihan ko rin siya dahil ganoon din naman nararamdaman ko noon eh. Kung tutuusin, ganoon pa rin naman ang nararamdaman ko ngayon--pagod, yung tipong sa isang galaw ko lang ay ubos na agad lahat ng enerhiya ng katawan ko. Kaya naman, sa pagtawag sakin ni Thomas ngayon, kahit na kagigising ko lamang, naramdaman ko ang kaginhawaan, na para bang ako’y lumulutang sa langit nang bahagya.
Mahirap kasi--sobrang hirap talaga ipa-ubaya at tiisin lahat ng mga kaganapan sa paligid natin. Lalo na’t nakakaapekto ito sa mga aspeto ng ating buhay, kung saan, mas nahihirapan tayo maghanap ng kasiyahan sa gitna ng kaguluhan. Kung kaya’t, hindi kasalanan ang maghanap ng mga bagay na magbibigay satin ng kaligayahan. Mapa simple man o magarbo. Ang importante’y ang paraan natin sa paghahanap ng mga bagay na ito; ang kaligayahan ko na hindi ikalulungkot at ikasisira ng iba.
“Kala mo naman ikaw di ko namiss? Sorry rin ha? Medyo nahihirapan din pero alam mo sobrang gumaan loob ko dito.” sagot ko kay Thomas at tsaka tumawa nang kaunti, “Pero ano ba kasi napanaginipan mo? At tsaka, ikaw ba? Kamusta ka na?” at nagpatuloy ang aming usapan ng may ngiti sa aking labi.
Sa simpleng paraan tulad ng mabilis na diskurso namin ni Thomas, nasaksihan ko ang liwanag ng pag-asa at nakita ko na magiging maayos din ang lahat. Ang luwag kasi sa damdamin kapag may nakaka-alala satin ‘no? Yung mga simpleng kamustahan lang na ganito o mga magagaan na biruan, isa na talaga ‘yon sa pinaka masarap na pahinga natin ngayon. Dito ko rin nakikita na sa likod nitong pandemya, hindi ako nag-iisa. Kaya kung meron mang nagpapasaya sayo ngayon, ‘wag mo itong ipagkait sa iyong sarili at iwasan mong bitawan pa ‘to. Mahirap na makahanap ng tunay na kaligayahan ngayon, na sa kabila ng maliliit na pamamaraan ay mararamdaman mo ang galak at importansya.
Sa gayon, kahit may pagod tayong nararamdaman, sana laging sumagi sa ating isip na ang kalayaan at ang kaligayahan ay hinding-hindi magiging isang suntok sa buwan.
Comments