top of page

Family Reunion


Sulat ni Hannah Romerosa at JF Cortez

Litrato mula kay MJ Monforte


Pagpasok pa lang ng taong ito, nasasabik na ako sa gaganaping family reunion na matagal na naming pinaplano. Matagal ko nang ‘di nakakasama ang aking magulang; pati ang aking mga kapatid, masayang nag-aayos at hindi mapakaling salubungin ang kanilang mga magulang. Sa wakas, mamayang hapon ay makakapiling na namin silang muli.

Nakatoka ako sa pinakamahalagang bahagi ng okasyon—ang hapunan. Aaminin ko, tulad ng aking mga kapatid, takam na takam na ako sa sandaling makasama ang aming mga pamilya. Kaya, isang malaking reponsibilidad na mahain ko ito nang maayos.

Bandang alas-sais ng umaga, pagkatapos nilang magdasal ay dali-dali kong sinalubong si Sister Maria sa labas ng kapilya.

“Sister, paumanhin po. Gusto ko lang pong tanungin kung handa na po yung mga magulang namin. Pati po pala yung mga sangkap at rekados para sa hapunan mamaya?”

Hindi agad nakapagsalita si Sister Maria. Tila nababalisa siya kaya tinanong ko siyang muli, “Nagkaroon po ba ng problema sa mga magulang namin?”

“Walang problema sa kanila, iha. Alam mo yan. Pinaghahandaan naming nang husto ang araw na ito. Sadyang madalas lang akong makarinig ng ibang boses dito sa bahay. Kagabi lang, akala ko tinatawag ako ng mga magulang mo,” sagot niya.

“Patahimikin mo na kasi ‘yang mga ‘yan,” sigaw ng isang madre sa gilid, na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan. Labing limang taon na ako rito sa bahay ngunit ang alam ko lang tungkol sa kaniya ay isa siyang madreng pinatalsik sa isang kumbento sa Cebu.

Bago umakyat ang madreng ito kasama si Sister Maria, binigyan niya ako ng isang paalala, “Siguraduhin mong malinis ang mga karne mamaya. Palambutin mo lang, ngunit ‘wag na ‘wag mong lulutuin. Tradisyon natin ‘yan sa bawat reunion.”

Natawang dagdag pa ni Sister Maria, “Mas masarap naman talaga ‘yan ‘pag ‘di niluluto.”

Pumunta na ako sa kusina, at nagpatuloy na ako sa paghahanda ng mga karne. Nilabas ko ang mga ito mula sa isang napakalamig na kwarto, ngunit kailangan kong mag-ingat na hindi ko makita ang karneng para sa akin. Bilin ni Sister Cecilia, tungkulin ko lamang ihanda ang para sa iba at hindi ang para sa akin. Aniya, sila na ang bahala sa reunion ko mamaya.

Pagpatak ng alas tres ng hapon, ‘saka pa lang ako natapos sa paghahanda ng mga karne. Nakakapagod, ngunit nakakatagpo ako ng kaligayahan pagkat alam kong ang mga putaheng ito ay ang magbabalik ng mga pinakamagagandang alaala ng mga kapatid ko kasama ang kanilang pamilya. Ito ang hinahanap ng aking katawan. Kaligayahan. Pagnanasa.

Habang nagpapahinga ako, naisipan kong silipin ang paghahandang ginagawa para sa venue mamaya sa sala. Ang aking tatlumpu’t dalawang kapatid ang naatasan dito sa ilalim ng pangangasiwa ni Sister Cecilia.

“Eljey, ang galing mong magbutingting ng mga dekorasyon ah! Parang wala namang nagbago at tila kumpleto pa rin ang mga daliri mo,” wika ko kay Eljey habang bumubuo siya ng mga itim na rosas gawa sa papel.

“Parang buhay tong rosas na ‘to no? At sa itim na kulay ay mas dama mong lahat tayo rito ay nasa tamang oras ng tagsibol. Kung kumpleto pa ang mga daliri ko, tiyak ako na walang ikagaganda ang mga ito at mananatili lamang silang bulok na mga rosas,” sagot ni Eljey, ang kapatid kong naputulan ng tatlong daliri, sampung taon nang nakalilipas.

“Naaalala ko noong kumpleto pa ang mga daliri ko. Madalas tuwing may misa tayo rito sa kapilya ay binubulsa ko ‘yong pera mula sa mga alay. Nahuli ako ni Sister Lourdes noong bumili ako ng pagkain mula sa tindahan sa tapat at nagtaka kung saan ko nakuha ‘yong pera. Agad akong pinauwi, at sa loob mismo ng kapilya pinagdasal ako nang marami bilang paghahanda sa pagputol ng ilan kong mga daliri. Paalala nila, kapag nahuli pa ako ay puputulan ako ulit ng daliri. Simula noon, hindi na ako nagnakaw muli, ngunit hindi dahil sa takot na maputulan ulit ng daliri. ‘Yong pagputol ng mga daliri ko sa paano't paanuman ay kalugod-lugod din. Minsan tila ba hinahanap-hanap ko, ngunit may pumipigil sa akin. Hanggang ngayon, ‘di ko maipaliwanag,” natutuwang dagdag pa niya.

Nagsimula ring magkuwento si Joseph, ang bulag kong kapatid.

“Handa na rin ang mga tugtog para mamaya. Sakto ang ritmo, sakto ang kumpas. Kailanma’y ‘di nawala sa akin ang mga kulay—kilala ko ang mga ito kahit labindalawang taon na akong bulag dahil may kulay ang bawat indayog ng tutog,”nagagalak na wika niya.

Ikinuwento rin niya ang kaniyang pagkabulag, “Isang gabi habang sinusuri ng mga madre ang bawat kwarto, nahuli ako ni Sister Carmelang tumitingin sa mga litrato ng babae. Bandang alas tres ng umaga, pinaluhod ako sa harap ng altar. Ginapos ang aking mga kamay at paa. At doon, binulag nila ako. Sa harap ng altar. Ang huli kong nakita ay ang mga rebultong tila nangungutiya sa akin. Kahihiyan. ‘Yon ang naramdaman ko no’n. Ngayon, pinalitan na ‘yon ng ligaya. Nagpapasalamat ako at nawalan ako ng mga mata. Mas may kulay ang paligid ko.”

Nagsalit-salitan ang aking mga kapatid sa pagkukuwento—si Albert pinako sa krus dahil sa kaniyang pagmamayabang, si Agnes sinunog ang buhok at mukha dahil sa pagkakalat niya ng tsismis mula sa inggit, si Claire pinutulan ng dila dahil sinigawan niya si Sister Cecilia, si Miguel pinasuka at pinainom ang kaniyang suka dahil sobra ang kaniyang kinain. At ako, ikinulong ako sa malamig na kuwarto sa loob ng anim na oras. Mga karne lamang ang naroon, ngunit hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang pakiramdam ng may kasama sa loob ng kuwartong iyon. Para akong may katabing bulong nang bulong sa akin. Ngayon, bilang tagahanda ng hapunan, alam ko na kung bakit.

Iba-iba kami ng mga pagkukulang. Habang mas kita sa iba kong mga kapatid ang kanilang mga pagkukulang, ang iba sa amin ay tulad kong binibitbit sa kalooban ang mga pagkukulang na bunga mismo ng aming mga kasalanan.

Ang katotohanan? ‘Yan ang isinasabuhay namin dito sa bahay. ‘Yan din mismo ang dahilan ng okasyon mamaya.

Matapos ang aming pag-uusap ay bumalik na kami sa kaniya-kaniya naming mga tungkulin. Inayos ko na ang hapagkainan at nilagyan ko ito ng mga dekorasyon. Sa gitna ay mga kandila, at sa paligid nito ang mga pinggan at baso. Pagpatak ng alas sais ng gabi, nagsimula na kaming magtipon sa hapag habang hinihintay ang aming mga magulang.

Si Sister Maria at si Sister Carmela ang nagtapos ng paghahanda ng aming hapunan, at ipinangako nila na sa eksaktong alas sais y medya ng gabi ay makakapiling na naming muli ang aming mga magulang.

Dumating na ang oras na pinakahihintay namin—alas sais y’medya na ng gabi. Sinindihan na ang mga kandila sa gitna ng lamesa, ihinain na ng mga madre ang aming hapunan, at nagsalu-salo na kaming lahat.

Habang kumakain kami ay nanumbalik ang mga alaala namin noong mga bata pa kami kasama ang aming mga magulang. Ang malusog kong kapatid na si Patrick, ganadong ganadong kumain ng tiyan ng karne habang ginugunita niya ang mainit na yakap ng kaniyang ama. Si Trisha naman, habang kumakain ng paa ng karne ay masayang inaalala ang paglalaro nila ng habulan ng kaniyang ama. Si Mariz, binabalikan niya ang balikat ng kaniyang ina, na noo’y sinasandalan niya lamang. Si Jeffrey, engganyong engganyong sa mga mata ng kaniyang magulang.

Masaya ko silang pinagmamasdan habang nilulunok namin ang aming mga paboritong parte ng karne. Nakagagalak. Nakalulugod. Natupad sa wakas ang pagsasama-sama naming muli. Labinlimang taon ko nang ‘di nakakapiling ang aking magulang, at ngayon ay tiyak na isang reunion nga ang naganap. Nasa harap ko na ulit ang laman at buto nila. Gaya ng mga alaala ko sa aking ina, mistulang ‘di pa rin nagbabago ang kamay niya—ito pa rin ang paborito kong parte.

81 views

Related Posts

See All
bottom of page