top of page

Bilug-bilugan


Sulat ni Lanz Yadao

Litrato mula kay Bea Galvez


Gaya ng nakasanayan, tuwing araw ng mga patay, bumisita si Lúcio sa sementeryo sa isang maliit na bayan ng Varalica. Dala-dala ang isang cooler na maliit, basket at di-tiklop na la mesa na nakasukbit sa kaniyang balikat at director’s chair na nakaipit sa ilalim ng kaniyang braso, tinungo niya ang lugar ng mga labi ng kaniyang mga magulang.

Alas-nuebe na ngunit hindi mararamdaman ang kalaliman ng gabi sapagkat punong-puno ng buhay ang pantiyon. Nariyan siyempre ang mga nagsisi-liwanagang dilaw na mga ilaw na nakasabit sa mga sanga ng puno sa lugar, mga batang nagtatakutan suot ang kanilang mga maskara, pamilyang nagsasalu-salo at nagtatawanan, at mga batang nangongolekta ng mga nanigas na kandila sa mga puntod. Hindi mo aakalaing nasa lugar ka ng mga yumao, sapagkat sa tuwing sasapit ang mga panahong iyon, ang mga patay ay buhay na buhay kasama ng mga ala ala ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagpahinga muna si Lúcio habang nilalasap ang malamig na simoy ng hangin at umiinom ng dala niyang mga de-latang serbesa, sabay kagat sa mga biskwit na kaniyang hinain sa kaniyang yumaong magulang.

Habang nagmamasid-masid sa lugar, nakita ni Lúcio mula sa kaniyang kinauupuan ang tatlong batang nakaupo sa ibabaw ng isang puntod. Tila mga nangangalumata ang mga bata na parang ilang araw nang walang tulog. Sapagkat may kalayuan, napagdesisyunan nyang dalhin ang mga pagkaing kaniyang dala at lumapit. Napagtanto niya nang halos konting dipa na lang ang layo niya sa patutunguhan, na wala pala talagang mga batang nakaupo sa puntod. Puno ng pagtataka at pagkalito, naglakad na lang siya pabalik sa orihinal na pwesto.

“BOO! Natakot ka ‘no kuya?”

Laking gulat ni Lúcio nang may biglang tatlong maliliit na mga batang lalaking sumulpot na hanggang tuhod lamang niya. Sila ay mga naka-costume na pang Halloween at naka-maskarang nakakatakot.

“Sila na nga yata iyon.”

Bulong ni Lúcio sa sarili, sabay ngiti.

Maya’t maya pa’y masayang nagkwekwentuhan ang apat sa ibabaw ng puntod habang pinagsasaluhan ang dala ni Lúcio na mga pagkain.

“Hindi ba kayo natatakot na mag-ikot dito sa sementeryo? ‘Di ba kayo natatakot sa mga nangunguha ng bata?”

“No po, kuya. E pwede naman naming tawagan sila mommy anytime na we feel like we’re in danger eh.” Tugon ng isang bata sabay kagat sa biskwit na kaniyang hawak.

“Oo nga kuya saka nag gho-ghost hunting lang naman kami pero wala kaming mahanap, kaya kami na lang ang nagpanggap na ghost. Nag ghoghost hunting ka rin ba kuya?”

“Ang galing niyo nga eh napaniwala niyo ako. Kinakabahan na ako kasi akala ko may mga multo talaga.” Sabay halakhak ng apat.

“Nasubukan niyo pa bang maglaro sa kalsada ng mga larong kalye?”

Biglang sabi ni Lúcio na para bang lumiwanag ang kaniyang mukha sa pagkasabik.

“Hinde na po kuya eh ano po iyon” tugon naman ng mga bata.

“May iku-kwento ako sa inyo, atin-atin lang. Nung bata kasi ako, mahilig ako maglaro sa labas. Tapos may nakakatakot na nangyari sa amin ng mga kalaro ko na hindi ko makakalimutan.”

“Bakit po hindi niyo makakalimutan? Eh nakakatakot nga. ‘Di ba kapag nakakatakot kinakalimutan na para hindi na naaalala?” Sagot ng isa sa mga bata.

“Ito kasi yung nangyari…”

Isang hapon sa isang abandonadong lote, may lumapit sa’ming batang mukhang kakatapos lang makipaglaro ng holen sa kanto. Maputi, malinis, at mukhang anak-mayaman kumpara sa amin na madungis, marumi, at nanggigitata - Draven daw ang pangalan niya. May dala-dala rin siyang maliit na lalagyan na nag uumapaw sa holen na may kakaibang mga pattern o disenyo na kadalasan ay paikot ang itsura at mistulang milky way galaxy na nakapulupot sa isang bolang marmol.

Dahil sawa na sa kalalaro ng holen, inalok at tinuruan kami na maglaro na lamang ng bilog-bilugan. Nagsimula kami na magtipon pa-bilog at sinambit ang

Bilog-bilog-bilugan. Assignment-assignment-suntukan. Ayun si palaka walang kaawa-awa. Abukaka-abukaka siyang palaka.”

Di kalaunan, napuno rin kami ng malakas na halakhakan at tawanan at karamihan ay nahuli nang nakabukaka maliban sa dalawa, ang isa naming kalaro at si Draven.

Nang manalo si Draven, inaya niya ang iba na maglaro na lamang ng holen bilang napagkasunduan. Ngunit humiling naman ang isa naming kalaro na umulit pa nang isang beses bago magpatuloy sa mga holen. At nagsimula na nga muli ang laro.

Bilog bilog bilugan. Assignment assignment suntukan. Ayan si palaka walang kaawa awa. Abukaka abukaka siyang palaka.

Alalang-alala ko pa ang pag angat ng hintuturo ng bago naming kalaro sa isa naming kasama, sigurado akong hindi ako namalikmata noong panahong ‘yon dahil sariwa pa rin sa king mata ang kaniyang sobrang puting daliri at nangingitim na mga kuko. Papunta na sana sa gitna ng bilog ang batang nahuling nakabukaka ngunit bigla siyang tinamaan ng kidlat. Siya’y biglaang napahinto, ang mga mata’y biglaang lumapad, ang kaniyang bibig at katawa’y tila nalaglag sa lupa. Bakas sa mukha niya ang takot na hindi kakayaning maipaliwanag ng kahit anong salita. Agad-agad siyang bumulagta sa sahig na para bang nawalan ng buhay at naiwan ang mga buto ng kaniyang mga paa. Makikita ang dahan dahang pag-alis ng isang puting anino mula sa kanyang katawan, papunta sa maliit na lalagyang ngayo’y nasa bulsa ng bagong kalarong bata. Kita sa mukha ng mga kalaro namin ang hindi maipaliwanag na takot, isang reaksyon na hindi ko pa nakikita kahit sa palabas na aking napapanood sa telebisyon.

Nang ako’y nakabalik na sa’king sarili, napagtanto ko na nasa kanan ko lamang ang bago naming kalaro at lahat ng iba naming kalaro ay nakatingin lamang sa kaniya. Nang siya’y aking lingunin, tumambag sa’kin ang isang mukha ng batang sobrang puti, ang mga labi’y abot tenga ang ngiti, at may mga matang ka-hugis ng kaniyang labing nakangiti ngunit nakabaliktad. Wala siyang ilong o tenga at nakatitig lamang siya sa akin, ang kaniyang mga mata’y manipis at singkit. Para akong itinapon sa loob ng freezer na may bagsak na temperatura, ako’y nanlalamig, at hindi ko maigalaw ang aking katawan.

Dahil sa mga pangyayari, sumisigaw na nagtakbuhan papalayo ang iba kong mga kalaro habang ako’y naiwan mag-isa.

“Psssssssssst”

Ang biglang sutsot ng aming bagong kalarong si Draven

“Hindi pa tapos ang laro natin.”

Ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pagkaripas ng takbo.

Sa takot at dala na rin ng pagaalala, dahan dahan kong nilapitan ang katawan ng aking kaibigang nakahandusay sa lapag. Ang bawat apak ko’y ‘singbigat ng galon ng tubig sa takot. Habang mas pumapalapit ako sa aking kaibigan, mas ramdam ko ang malamig na titig ng aming bagong kalaro sa aking bawat kilos.

Nang ikutin ko ang katawan niya upang tignan kung siya’y humihinga pa, tumambag sa akin ang tila wala nang buhay niyang mukha, siya’y nakangangang nakatulala na lamang sa kawalan. Siya’y humihinga pa ngunit halata sa walang buhay niyang mata na may kaunting luha, kaba, takot, at pagkabalisa na para bang permanenteng nakaukit at nagyelo sa oras.

“Kuya... natatakot na ako…” ang sambit ng isang bata habang naka yakap sa kaniyang kaibigan.

“Ano pong nangyari sa mga tumakbo mo pong kaibigan?” pagtataka ng isa.

“Wala na akong balita sa kung anong nangyari sa kanila, basta ang susunod ko na lang na naalala ay umuwi ako nang bahay na umiiyak at pinagluto na lang ako ng nanay ko ng meryenda.” Sagot naman ni Lúcio.

“Gusto niyo bang malaman paano maglaro ng bilog-bilugan?”

“Ayoko na kuya babalik na kami te-text ko na mommy ko.” Tugon ng isang bata habang bakas sa mukha ang pagkabalisa at takot.

“Mabilis lang naman ‘to tara na”

“Okay lang po kuya thank you na lang po, next time na lang po.” Nagmamadaling sabi ng isa nilang kasama.

“Sige, ingat kayo pabalik pero may katuloy pa sana ‘yung story after nating maglaro” ang tugon ni Lúcio.

“Katuloy po?”

“Huwag mo nang balakin, tara na papagalitan na tayo ni mommy.” Pabulong na sabi ng isang bata sa kaniyang kasama sabay hatak sa kaniyang braso.

“Mabilis lang naman daw eh tara na! Ang gara mo naman.” Pag uudiyok ng bata sa kaniyang kaibigan.

Nagtungo pabalik kay Lúcio ang tatlong bata sa gilid ng puntod kung saan sila nagkwekwentuhan at sinimulan na nga nila ang pag lalaro.

Makalipas ang ilang sandali, may dumating na dalawang matanda, isang babae at lalaking may dalang mga bulaklak at kandila.

“Excuse me po sir, puntod po namin ito eh, ano pong ginagawa niyo rito?” pagtatanong ng naka-putting aleng may nakaskubit na pulang bag sa braso at hawak ang isang boquet ng Rhododendrons at Snapdragons na iaalay nila sa puntod.

“A, wala ho ma’am may pinupulot lang paalis na rin po” Tugon ni Lúcio habang dahan-dahang tumatayo mula sa pagkakayuko.

“Ingat po.” Dagdag pa niya, sabay ngiti at lakad papunta sa puntod ng kaniyang mga magulang dala-dala ang walang lamang supot ng mga biskwit sa kaliwa niyang kamay. Rinig din sa bawat apak niya, ang siyang pagkalansing ng tatlong holeng naguumpugan sa kaniyang bulsa.

36 views

Related Posts

See All
bottom of page