top of page

Agawan Base


Sulat ni JF Cortez at Hannah Romerosa

Dibuho ni Keith Portia Andres


Sa isang bakanteng lote mayroong anim na magkakaibigan. Sila ay kilalang grupo ng kabataan dahil sa mapanakit at mapang-aping pamamaraan nilang paglalaro. Isa sa mga pinakapaborito nilang gawin ay ang magtulak nang malakas at magmura sa kanilang mga kalaro.


“Asan na ‘yong mga kalaro natin kahapon? Bakit walang tao dito?”, sabi ng naiinip na si Lester.


Patawang sagot ng kaibigan niyang si Felix, “Paniguradong takot mga ‘yon pumunta rito kasi mga duwag sila!”


Nagtawanan ang magkakaibigan habang inaalala ang mga kalokohang ginagawa nila sa mga nakaraang araw. Umabot sila ng alas-singko ng hapon at naisip na nilang umuwi. Kukunin sana nila ang kanilang gamit sa bangko. Ngunit, pagtalikod nila ay mayroong anim na mga batang walang kibo, maputla, at nakangiti nang bahagya, na nakatayo at nakaharang sa kanilang gamit.


“Hoy! Anong ginagawa ninyo diyan! Nanakawin ninyo mga gamit namin no’?!” galit na sigaw ni Patricia na may kaunting nginig sa boses niya.


Hindi pa rin kumikibo ang mga bata, kaya’t nilapitan sila ni Lester.


“Kala niyo takot kami sainyo? Kung di kayo aalis, bubugbugin namin kayo!” sabi ni Lester sabay sinuntok ang isa sa mga bata. Nadapa ang maputlang batang ito ngunit hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanyang mukha. Napaurong si Lester, nangingilabot hindi dahil sa ngiti ng bata ngunit bago siya tumayo ay dumura ito ng maitim na dugo.


“Ano bang gusto ninyo, ha!” sigaw ni Jose na nagmimistulang nagtatago sa likod ni Patricia.


Nagsimula ng magsalita ang mga bata. “Agaw. Agaw. Agaw.”, paulit-ulit nilang sinisigaw.


Nagtinginan ang mga magkakaibigan. Sa puntong ito, nawala na ang takot nila. “Ah gusto niyong maglaro ng Agawan Base?” tanong ni Jose.


“Agaw! Agaw! Agaw!” sagot ng mga bata.


“Sige! Tingin ninyo matatapang kayo para kalabanin kami?” mayabang na sabi ni Marie.


“Agaw! Agaw! Agaw!” inulit na sigaw ng mga batang mas malaki na ang ngiti. Ito ay lalong kinapikunan ng mga magkakaibigan.


Matapos pumili ng base ang dalawang grupo at iginuhit gamit ng chalk ang linyang naghahati sa kanila, nagsimula na silang maglaro. “Game!” sigaw ni Arturo, na naging senyales nila.

Sa simula ng pagtakbo ng lahat upang magtayaan, lalong lumakas ang sigaw ng mga mapuputlang bata ng salitang “Agaw”. Maririnig rin ang kanilang mga tawa at kapansin-pansin ang hindi kumukurap na mga mata. Ngunit hindi na masyadong pinansin ito ng mga magkakaibigan sapagkat nakatuon na silang manalo sa laro.

“Huli ka!” sigaw ni Lester ng mataya ang isa sa mga bata. Hinatak ni Lester ang kalaban at nabigla dahil sa lamig ng kanyang kamay. Gayunpaman, dinala ni Lester ang bata papunta sa base nila bilang isang bilanggo.


Sa pagpapatuloy ng laro, naging mapanakit ang mga magkakaibigan. Tinutulak, tinatadyakan, at saka minumura ang mga bata sa bawat pagkakataon na makuha nila. Sa larong ito, lalo silang naging pisikal dahil hindi mawala-wala ang nakakakilabot na ngiti ng mga bata kahit anong gawin nila.

Nananaig ang mga magkakaibigan sapagkat tatlo na ang natataya nila. Ngunit sa pagkahuli ng ikatlong bata, nanibago na ang kilos ng mga natitira. Nawala na ang kanilang mga ngiti, makikita na ang galit sa kanilang mukha at sila’y nagsimulang lumuha. Ito ay kinasiyahan ng mga magkakaibigan.


“Gusto mo na bang bumalik sa nanay mo? Iyakin pala kayo eh!” panunuya at pagmamayabang ni Arturo.


Nagkaroon ng hindi masabing epekto ang mga salita ni Arturo sa mga bata. Tinuloy nila ang laro ngunit ngayon mas naging agresibo na ang mga mapuputlang bata. Kapag sila ay tinutulak ng mga magkakaibigan, lumalaban na sila. Isa-isa nang napapalaya ng mga bata ang kanilang mga kagrupo. Nang dumami na muli, nanumbalik ang kakaibang ngiti nila, ngunit hindi tumitigil ang daloy ng kanilang luha.


Ang kanilang mas agresibong paglalaro ang nagdulot na maitaya na nila si Felix, na nakaramdam ng kakaiba nang siya’y mahuli. Una si Felix, pangalawa si Patricia, at pagkatapos sabay nataya ng mga bata si Lester at Jose. Lahat sila ay nakaramdam ng dalawang bagay—kalungkutan at takot, tila nawala ang saya sa mundo.


“Agaw! Agaw! Agaw!” sigaw ng nananaig na mga bata.


Mag-isa na lamang si Marie habang si Arturo ang naatasang magbantay ng kanilang base. Wala silang magawa nang sugurin sila ng mga bata. Nahawakan sa wakas ang kanilang base. Nanalo na ang mga mapuputlang bata.


Lumapit si Marie at Arturo sa kanilang apat na nahuling kaibigan. Ngunit hindi sila nagsasalita o kumikibo na para bang walang buhay ang kanilang mga mata.


“Hoy, anong nagyar---,” naputol na tanong ni Marie sa kanyang mga kaibigan dahil nakita niyang kinuha ng mga mapuputlang bata ang kanilang mga gamit sa bangko at dali-daling tumakbo papalayo.


“Ano ba yan! Mga magnanakaw nga sila, kaya naman pala natalo tayo eh mga mandaraya talaga!” sabi ni Arturo na inis na inis. “Kayo naman, napano kayo? Natalo lang isang beses nagkaganyan na kayo ah?” dagdag na sabi ni Arturo sa apat na kaibigan.


“Gusto ko na lang umuwi,” mahinahon na sagot ni Felix.


Madilim na sa paligid nang matapos ang laro, pawang mga ilaw ng streetlight na lamang ang nagpapaliwanag ng daan. Hindi malaman ni Marie at Arturo kung anong nangyare sa kanilang mga kaibigan ngunit dahil mukhang matamlay at walang lakas ang mga ito ay kinailangan pa nilang suportahan sa paglalakad. Tig-dalawa ang sinuportahan ni Marie at Arturo.


Sa kalagitnaan ng paglalakad, nagsimulang manghina ang katawan ni Arturo kaya’t nahulog niya ang dalawang kaibigan. Nangilabot si Arturo nang makitang nagasgasan ang balat ni Felix at dumugo—itim na dugo. Napasigaw ng takot si Arturo at mabilis na tumakbo papalayo sa kanila. Iniwan ang limang kaibigan niya at nagmadali si Arturong makauwi.


“Mama! Mama!” paulit-ulit niyang sinisigaw sa daan papunta sa kanyang bahay.


Pumasok siya at agad-agad hinanap ang kanyang ina. Dali-dali nyang niyakap nang mahigpit at sinabing, “Mama, takot na takot ako,” umiiyak na sabi ni Arturo.


Hindi pa tapos magsalita si Arturo nang itinulak siya ng kanyang ina palayo at sinampal nang malakas. Ikinabigla ito ni Arturo.


“Walang hiya ka! Paano ka nakapasok sa bahay naming?! Lumayas ka!” sigaw ng ina ni Arturo habang patuloy na sinasampal ito.


“Mama! Masakit, anong ginawa ko?” sagot ni Arturo.


“Anak? Anong anak? Baliw ka ba? Lumayas ka rito!”, sabi ng ina na nagsimulang tadyakan si Arturo hanggang mapalayas.


Gulong-gulo si Arturo sa mga nangyaro. Naisip niya na baka lasing na naman ang kanyang ina. Pinagtatakahan lang niya ay wala naman siyang naamoy na alak. Tumigil na siyang sumigaw, at umiyak na lamang siya sa daan sa harap ng bahay.


“Pst. Pst. Pst,” galing sa isang boses na hindi malaman ni Arturo saan galing. Hinanap ni Arturo ang sumisitsit sa paligid niya at para bang bumagsak ang kanyang puso nang makita na galing ito sa isang batang nakatingin sa bintana ng kanyang kwarto. Ang batang ito ang nakalaro niya kanina lamang ngunit may iba sa kanya—nakangiti pa rin ngunit hindi na siya maputla.


Kinawayan siya ng batang ito at nagsalita, “Iyakin ka pala.”


Sisigawan na sana ni Arturo ang batang ito nang pumasok ang kanyang ina sa kwarto. Yinakap nang mahigpit ng ina ang bata. “Arturo, kain ka na, anak”, aniya.


“Opo, mama,” sagot ng bata. Lumabas ang ina at tiningnan muli ng bata si Arturo. Ngumiti siya at lumuha; dugo ang dumaloy sa kanyang mga mata.


Tumakbo palayo si Arturo. Naisipan niyang bumalik sa kanyang mga kaibigan upang humingi ng tulong. Sa pagliko niya sa kalsada kung saan niya iniwan ang kanyang mga kaibigan, napahinto siya.


Nandoon silang lahat. Naghihintay. Nakatayo. Nakahilera. Maputla.


Tumingin si Artuto sa salamin ng isang sasakyan. Umiyak ito nang malakas sapagkat nang makita niya ang sarili sa salamin, doon niya napagtanto, hindi lamang ang base at mga gamit nila sa bangko ang ninakaw.


Ilang segundo lamang ay tumigil nang umiyak si Arturo. Hindi dahil tanggap na niya ang nangyare kundi dahil sa boses na naririnig niya sa kanyang utak. Isang salita lamang ang naririnig niya. Unti-unting lumakas at paulit-ulit na sinasabi ng boses ang salitang



”Agaw! Agaw! Agaw!”


66 views

Related Posts

See All

Comments


bottom of page