top of page

Wika sa Ruaño

Isinulat ni: Kevin Yee



Patapos na ang buwan ng Agosto, kung kailan nagiging Filipino ang mga anunsyo at posts sa Facebook at iba’t-ibang social media accounts ng mga organisasyon, nagsisilipana ang iba’t-ibang mga litrato na mayroong makabayang quotes sa foreground, at ang mga estudyante sa elementarya at sekondarya na akala mo ay nag-time travel sa panahon ni Balagtas dahil sa mga suot nilang barong tagalog at mga salitang akala mo ay nanggaling sa baul para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.


Ang Pilipinas ay mayaman sa wika tulad ng Tagalog, Cebuano, Ilokano, Waray, at iba pa dahil sa iba’t-ibang kultura at mga komunidad na naninirahan sa ating bayan. Sa kadahilanang ito, kinakailangan ang isang sistema arbitrary upang magkaintindihan ang mga mananalita mula sa iba’t-ibang mga lugar.


Ang madalas na biruan sa loob at labas ng Ruaño na ang mga lengguwahe raw ng mga mag-aaral ng inhinyeriya ay ang mga simbolo, numero, at terminong madalas na ginagamitan ng mga ka-d/dx sa bawat sulok ng Ruaño tulad ng derive, derivatives, at ang tagapagligtas tuwing exams: shift-solve, ay hindi na matatanggal pa sa sistema at kumbaga ay parte na ng kulturang inhinyeriya.


Hindi pasok ang mga biro na ito kung ibabase ang kahulugan ng wika sa depinisyon ni Dr. Jose Villa Panganiban, isang lexicographer, propesor, at manunulat na naglimbag ng mga librong ukol sa pagsusuri ng wikang Filipino, “[ang wika] ay paraan ng pagpapahayag ng kuru-kuro at damdamin sa pamamagitan ng mga salita upang makipag-unawaan sa kapwa-tao. Ito ay binubuo ng mga salita, parirala, at pangungusap na may kahulugan.” Sa kabuuan, ang wika ayon sa kanya ay ang pakikipagkomunikasyon ng may kahulugan at nagkakaintindihan sa taong pinapatungkulan ng mga binigkas na salitang may istrakturang sinusunod.


Ingles, Tagalog, Taglish, o kahit kombinasyon pa ng tatlo, ang lenggwaheng ginagamit ng mga mag-aaral ng Roque Ruano, ay nagkakaintindihan at nakakapagsalitan sila ng impormasyon dahil sa kanilang sariling kultura at pag-aarbitraryo ng sistema ng pananalita.


Subalit ang sistema ng pananalita ng mga mag-aaral ay nag-iiba sa kanilang pagpasok sa mga silid-aralan ng madalas na midyum ng komunikasyon ay Ingles bilang paghahanda raw sa “globalization” o pakikipag-ugnayan sa ibayong dagat, na marahil nagiging dahilan ng pagsasantabi sa ating wika.


Maaaring dapat handa ang mga sinasabing “future engineers” sa pakikipag-usap sa iba’t-ibang lahi para lumawak ang kanilang koneksyon at kaalaman at nang hindi makulong sa limitadong kaalaman na maibibigay ng ating bansa ang mga mag-aaral, ngunit dapat din maging handa ang mga propesyonal na makapagpaliwanag sa kanilang mga kababayan na hindi ma-alam sa wikang Ingles, lalo na at napakahalaga sa kanilang linya ng trabaho ang pakikipagkomunikasyon.


Totoo rin naman na sa larangan ng inhenyeriya, maraming mga salita ay technical o specialized, mga jargon, at walang saktong katumbas sa wikang Filipino, pero hindi naman ito nangangahulugang hindi na maipapaliwanag ang mga nasabing termino sa ating sariling wika. Kung gaano natin pinagyayaman ang bokabularyo natin sa Ingles ay dapat ganun din sa Filipino upang makapagpaliwanag tayo ng mas mainam at malinaw. Ang paggamit ng wika ay para magkaintindihan ang dalawang o higit pang tao o grupo. Kapag hindi mo nabigyang linaw o naipaunawa sa iyong kausap ang naismong ipahayag, ang ibig sabihin lamang ay nabigo ka sa pinakamahalagang layunin ng wika: ang pakikipagkomunikasyon para magkaintindihan.


Hindi masamang ihanda ang sarili para sa iba’t-ibang pagsubok mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo, ngunit dapat hindi natin makalimutan ang mga bagay na kalapit sa atin dahil na sa malayo lagi ang ating tingin. Mapalad tayo dahil nakaiintindi tayo ng Ingles at Filipino, pero paano naman ang mga taong hindi? Ang pagsasabuhay at pagpapahalaga sa wikang Filipino ay hindi natatapos sa pagtatapos ng Agosto kundi ay dapat magpatuloy kahit mawala na ang mala-Balagtas na anunsyo na naka-post sa mga social media.


Ang wikang Filipino ay hindi lamang isang estetiko na ginagamit para sa “Pinoy Pride,” kung hindi ay isang pamamaraan ng buhay para makipag-ugnay sa ating mga kababayan, upang mapadali ang pag-uunawaan sa mabilis na pagbabago ng ating mundong kinagagalawan.

87 views

Comments


bottom of page