top of page

Patapon Culture

Written by CJC

Art by Shinkiro


Kasabay nang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay umarangkada rin ang numero ng mga gumagamit ng online dating applications o sites. Naibsan ng mga apps na ito ang pagkauhaw sa koneksyon sa ibang tao at naging tulay ang mga ito upang mapadali ang paghahanap ng potensyal na ka-match. Isang pindot lamang ang kailangan para sa isang instant na relasyon. Sa dami ng pwedeng makapareho ay hindi ka mauubusan ng pagpipilian, kaya ‘di na rin nakapagtataka kung paano nito nanormalisa ang throwaway culture.


Ayon mismo sa Tinder at Bumble, dalawa sa pinaka sikat na dating apps ngayon, tumaas ang paggamit ng mga tao sa mga ito magmula noong magkaroon ng lockdown sa iba’t ibang parte ng mundo. Sa US, tumaas ng 21% ang in-app messages ng Bumble. Samantalang, 10-15% naman ang itinaas sa Tinder. Ang pagdami ng mga taong gumagamit ng apps na ito ay isang oportunidad lalo na sa mga single upang makahanap ng potensyal na match. Dahil na rin sa limitadong paggalaw noong mga nakaraang buwan dahil sa IATF guidelines, naging daan ang mga apps na ito sa ligtas at mas mabilis na pakikipag-date ngayong may pandemya.


Ang mga dating apps ay kadalasang nag-aalok ng ilusyon ng halos walang katapusang pagpipilian. Kaya naman, tila napakadali na sa ganitong tagpo ang tratuhin ang mga tao bilang isang bagay na maaaring itapon kahit ano mang oras. Ito ang tinatawag na throwaway culture. Dahil na rin sa pag-iisip na marami pa namang papalit, napakadaling ipawalang bahala ang mga koneksyong nabubuo sa online dating. Idagdag pa na napaka kombenyente nitong gawin sapagkat ang mga tao ay nasa likod naman ng mga screen. Mayroong anonymity kaya mas madaling makatakas o makaalis agad sa isang relasyon. Hindi na uso ang magpaalam bago lumisan; tamang ignore, remove friend, o block lang at sa isang iglap bigla na lamang kayong magiging mga estranghero. ‘Di na rin bago ito lalo na sa mga millenials at Gen Z at nabigyan pa nga ito ng sariling termino na tinatawag na “ghosting.”


Ayon sa pag-aaral ni Omri Gillath at Lucas Keefer ng University of Dayton, ang madalas na pag-uugali ng throwaway culture sa mga relasyon ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugang mental at pisikal ng isang tao. Ito ay bunga ng walang “high-quality connections” na nagbibigay ng suporta, pagmamahal, seguridad, at pag-unawa galing sa mga relasyon (kaibigan man o kasintahan). Dahil na rin sa madalas na pag-ghost sa ibang tao, walang relasyong nabubuo at lumalalim. Kapag ito’y nagpatuloy darating din sa punto na mahihirapan na rin ang ibang taong magtiwala o di kaya pumasok sa buhay ng isang tao. Tandaan na mabilis din gumanti ang karma 一 babalik din sa sarili kung paano trinatrato ang ibang tao. Balang araw, ikaw naman ang magiging patapon.


Isang malaking kabalintunaan na marami ang nagnanais ng seryosong relasyon ngunit napakarami pa ring inuugali ang throwaway culture. Ika nga nila, “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo.” Paano ka makakahanap ng seryosong relasyon kung trinatrato mo ang ibang tao bilang isang bagay?


Hindi naman masama ang pagiging mapanuri at mapili sa paghahanap ng partner sa buhay. Ngunit, hindi kailangang isantabi ang sariling moralidad; tandaang tao pa rin ang mga nakakasalamuha online at hindi sila basurang basta-basta na lang itatapon. Kung wala na talagang patutunguhan ang koneksyon mo sa isang ka-match, mas nararapat itong ipaalam nang mabuti. Hindi ikabababa ng pagkatao ang pagiging totoo sa iyong mga intensyon.


Dahil sa pandemic, lahat ng tao’y napagkaitan ng pagkakataong magkaroon ng pisikal na koneksyon sa iba. Ngunit, dapat alalahanin na ‘di lahat ay handang magmahal sa panahong walang kasiguraduhan. Sa dinami-rami ng isdang mabibingwit sa karagatan ng mga dating apps, asahang ‘di sa lahat ng pagkakataon ay magiging madali ang paghahanap ng kapareha rito. May mga pagkakataon na sadyang hindi agad binibigay ang taong para sa iyo.


Iba ang presyur dulot ng online dating kaya naman minsan ay sadyang nakakapagod din maghanap ng “The One.” Tao ka rin at normal lang magkaroon ng online dating fatigue. Kapag umabot man sa ganitong punto, hinga lang nang malalim at magpahinga mula sa mga dating apps. Dahil sa huli, sarili pa rin ang dapat inuuna.

71 views

Related Posts

See All

Comentarios


bottom of page