top of page

Misa de Apertura 2019


Isinulat ni: Rendell Ang

Litratista: Jann Kaizer Tena


Agosto 1, 2019 — Ang simula ng taong pang-akademiko ng Unibersidad ng Santo Tomas ay ginanap sa Santisimo Rosario Parish, kung saan isinagawa ang taunang Misa de Apertura at Discursio de Apertura.


Ang Misa de Apertura ay pinamahalaan ng Tomasinong Obispo ng Daet na si Reverend Father Andrew Alarcon kung saan niya inilahad ang pormal na pagbubukas ng pang-akademikong taon. Kaakibat nito ay ang kanyang pagbibigay gabay ukol sa kasalukuyang pag-unlad ng teknolohiya sa ating mundo, kung saan dumating na lamang ang araw na silang mga tagapaglingkod ng diyos ay nag-aaral na rin kung paano gamitin ang internet. Ngunit kanyang pinapaalala na bigyang halaga ang pagbibigay ng oras sa Panginoon sa panahon ng pagbabago.


Si Prof. Maria Minerva P. Calimag, M.D., Ph.D. ng Faculty of Medicine and Surgery ang piniling maglahad sa Discursio de Apertura kung saan tinalakay nya ang kanyang Medicinal Discursio na pinamagatang “Research and the Social Agenda: The Tale of Two Rivers (Of Dead Rivers and the Ripples of Life)”. Sinimulan nya ito sa paggugol sa mga along nagdudulot sa pasulong na pagbabago, kung saan ang kanyang ina’t amang nasa larangan ng pagturo ng agham ang nagsilbing gabay sa kanyang paglaki sa mundo ng pananaliksik. Itinalakay din nya ang ating kapaligiran, ang ating pag-abuso dito, at ang epekto sa ating bansa ng kagyat na pagkalbo ng mga kagubatan at patuloy na pagsira sa mga bundok ng pagmimina.



Binanggit niya rin ang lumalaking pangangailangan ng kapaligiran na una nang tinalakay ni Pope Francis, ang mga maaating kahihinatnan nito na mas malaki ang epekto sa mga mahihirap, ang malaking ugnayan ng kapaligiran sa ating kalusugan, at kung saan ang sugpong ng pansarili at pangplanetang kalusugan ay pinapagitan ng isang manipis na linya lamang. Ginamit niyang halimbawa ang El Niño na naganap sa Pilipinas noong taong 2015 hanggang 2016 kung saan dumami ang mga kaso ng dengue, malaria, at iba pang mga sakit dulot ng pagbabago sa ating kapaligiran. Ngunit sa kabila ng mga ito ay malaki din ang nadudulot na pinsala ng pangangalaga ng kalusugan ng tao sa kapaligiran. Isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng lason ng kapaligiran ay ang mga kalat na nagmumula sa mga kagamitan ng ospital at anesthesia na ginagamit sa paggamot at pagligtas ng mga tao. Binanggit nya rin na 60% ng mga Pilipino ang namamatay ng walang doktor na kaakibat. Ito ang mga naghimok sa kanya para sa pagsulat ng kanyang lathalang pinamagatang “The Social and Cultural Dimensions of Health as a Research Agenda: Establishing the Need for a Research Interest Group (RIG) in Social Medicine”. Itinatalakay nya ang halaga ng patuloy na pananaliksik ukol sa pansarili at pangplanetang kalusugan. Kasama rin dito ang pagsaliksik sa kalusugan ng kaisipan, kung saan binibigyan niyang importansya ang kabataang Pilipino sa pakay na ito. Sinusuportahan niya ang pamamaraan ni Aaron Antonovsky na “Salutogenesis”, na binibigyang halaga ang mga salik na sumusuporta sa ikabubuti ng kalusugan kaysa sa mga sakit na nakakasama dito (Pathogenesis). Nakatuon siya sa pananaliksik sa pagsulong kaysa sa pananaliksik sa pagpigil ng paglubog at naniniwala siyang ito ang susi sa ating kaunlaran bilang tao.

 
 

Comments


bottom of page