top of page

Hiraya Manawari


Written by: Carlo Castillo


Ilang linggo na lang at preliminaryong pagsusulit na, at tambak na rin ang gawaing pang-akademya. Nang malaman mong kanselado ang klase sa susunod na linggo, umapaw ang iyong tuwa. Sa wakas, makakapahinga ka na muna. Lahat ay sabik na sabik magsiuwi noon sa kani-kanilang siyudad at probinsya. Lingid sa kaalaman ng marami, yun na pala ang huling araw ng klase.


Ang mga ngiti sa iyong mukha ay unti-unti ring napawi. Ang ilang linggo ay nauwi na sa ilang buwang pagkabartulina. Ang pandemya ay mabilis na kumalat. Para itong isang magnanakaw sa madilim na gabi, walang habas sa pagkuha ng pangarap, plano, at buhay ng mga tao.


Habang tumatagal napagtanto mong hindi lamang ang pandemya ang nag-iisang kalaban, nariyan din ang sarili at ang sistemang kinagagalawan.


Noong una ang dami mong gustong gawin habang quarantine. Makakapanood ka na ng mga pelikula’t ibang palabas, makakatulog ka na nang walang sagabal, at makakapag-aral nang maayos tutal ikaw naman ay nasa bahay lamang. Akala mo magiging madali ang lahat, pero hindi mo alam ay simula na pala ito ng matinding kalbaryo. Ang dating puno ng pag-asa ay napalitan na ng pangamba.


Pilitin man ang sariling kumilos, may mga araw na nakakapagod kahit wala ka namang ginagawa. Magpapatugtog na lamang ng musika, lalaksan ang volume, at pilit sasapawan ang ingay sa loob ng isip. Pumikit man ay nakikita pa rin ang mga senaryong ipininta ng iyong utak. Ramdam mo nang antok na ang iyong katawan, ngunit sadyang ayaw magpatalo ng iyong isip. Minu-minuto ipapatay-sindi ang cellphone, wala ka rin namang makakausap dahil panigurado ay tulog na ang iyong mga kaibigan at ayaw mo rin namang mangambala. Pagtingin sa orasan ay alas tres na nang umaga; susubukan na lang makatulog ulit dahil mamaya ay may online class ka pa pala.


“Kaya ko pa ba?”; ang malimit mong tanong sa iyong sarili.


Kinabukasan, pilit bubuuin ang pira-pirasong sarili. Kinakailangan mong sumali sa zoom meeting para makahabol sa klase kahit pa labag ito sa iyong kalooban. Alam mo rin naman kasi sa sarili mo na wala ka namang maiintindihan. Habang ang iba’y nakakasunod sa diskusyon ni ma’am, ang iyong isip ay lumilipad. Natapos na ng iyong mga kaibigan ang pinapagawang problem set, napanood na rin nila ang mga naka-upload na aralin, at nag-aaral na rin sila para sa nalalapit na pagsusulit. Samantalang ikaw ay walang usad. Bubuksan sana ang iyong laptop para kumilos, ngunit makikipagtitigan ka lamang sa itim na screen. Wala kang makitang repleksyon ng iyong mukha, blanko at madilim, hindi mo na makita kung saan ka pa tutungo o kung may papatunguhan nga ba. Sa kabila nito’y maaalala mo na malayo na rin ang iyong tinahak. Muli’t ipapapalala sa sarili ang mga pangarap sa buhay at aasang “sana matupad” ang mga ito.


Ibaling man ang atensyon sa TV at social media, tila wala ka na ring makitang nangyayaring maganda sa paligid. Nakakawalang gana na rin ang mga balitang iyong natutunghayan. Nakakasawa ang bawat late night talks ni tatay, ni wala ka man lamang nasasagap na kongkretong plano maliban sa mura, pangungutya, at mga salitang walang katuturan. Habang talamak ang inkompetensya at kawalang-katarungan, patuloy pa ring naghihirap ang mga kapwa Pilipinong lalong nalugmok sa kahirapan. Napasara na ang “oligarkong” network, naipasa na ang batas laban sa “terorismo”, at nagkaroon na ng “mass recoveries.” Ngunit, libo-libong Pinoy pa rin ang walang trabaho. Habang hinuhuli ang mga lumalabag sa quarantine guidelines, malaya pa rin ang mga opisyales na napatunayang hindi sumusunod sa batas.


Nakakagalit ang harap-harapang paglapastangan; hindi mo rin maiwasang ihayag ang iyong saloobin. Pero sabi ng iyong mga nakakatandang kamag-anak, “puro kayo reklamo, wala naman kayong ambag.” Kahit anong paliwanag ang iyong gawin, sa huli’y nananatili pa rin ang kanilang kulay dugong lente. Nais mo lang naman ng tunay na pagbabago, na magkaroon ng mabuting balita sa gitna ng kawalang-katiyakan. Matayog ang iyong pangarap para sa bayang sinilangan, ang makita itong tunay na malaya — “nawa’y ang mga ito nga ay mangyari.”


Nalalapit na naman ang pasukan. Batid mong magiging mahirap lalo ang pagharap sa bagong normal — pisikal, mental, at sikolohikal man. Hirap man kayo ngayon sa pinansyal, ngunit gumawa pa rin ng paraan si itay at inay para may ipanghulog sa matrikula. Malabo man ang hinaharap pero may natitira pa ring liwanag sa iyong mga mata. Sa kabila ng iyong mga pinagdadaanan, nais mo pa ring matamasa ang inaasam-asam na toga’t diploma.


Puno man ng takot at pangamba, may mahinang tinig na umaalingawngaw sa maingay mong isip na nagsasabing, “Hiraya Manawari.”


Huwag mo sanang isipin na ang iyong nararamdaman ay hindi tama. Mahirap ang panahon ngayon at normal ang lahat ng iyong pinagdadaanan. Humingi ng tulong kung kinakailangan, alagaan at maging mabuti sa sarili, at higit sa lahat huwag sisihin ang sarili sa mga bagay na wala kang kontrol.


Lubak-lubak at madilim ang iyong tatahakin. Maaari kang madapa nang paulit-ulit bago makarating sa patutunguhan. Huwag mong kalilimutan ang munting musmos na nakakubli sa iyong puso. Gaya ng isang paslit, madadapa, masusugatan, at iiyak ngunit babangon muli.


Tandaan na hindi masama ang mangarap nang mataas para sa sarili at sa bayan. Ikaw si Crisostomo Ibarra na naniniwala sa kapangyarihan ng edukasyon upang maisaayos ang bansa. Kagaya naman ni Simoun, hawakan mo rin ang iyong lampara. Ngunit, gamitin mo itong instrumento ng pagbabago. Paalabin at panatilihin mong nagbabaga ang ningas nito at gamitin ang apoy ng pag-asa upang pailawin din ang lampara ng ibang tao.



Ilang buwang pagsubok na ang iyong pinagdaanan. Marami ka na ring napagnilayan, nakita ang mga anomalidad sa paligid, at naranasan ang hirap ng buhay sa gitna ng pandemya. Batid mo sa sarili mo na mabigat ang iyong nararanasan, pati na rin ng libu-libo pang mamamayan sa panahon ng krisis. Nawa’y magsilbi ang lahat ng ito bilang panggatong upang patuloy na magliyab ang silakbo ng iyong damdamin, patungo sa iyong mga pangarap.


Pansamantala, sabay-sabay muna nating hangarin ang pinakamalaking “sana mangyari,” ang makalaya sa kadena ng pandemya.


129 views

Related Posts

See All

Comments


bottom of page